Friday, March 9, 2012

Ano Ba'ng Wika Ko?

Ingles. Hindi mo na kailangang tanungin kung gaano kadalubhasa ang mga Pinoy sa paggamit nito. Halos lahat sa atin nakakapagsalita nito. Sa bahay man, sa kalye, at kahit hanggang sa eskwela, di mo makakailang may bahid ng wikang Ingles ang ating ginagamit na wika sa pag-uusap.

Maganda sana 'yan eh. Ika nga nila, nagiging "globally-competitive" tayo pag marunong tayo magwika ng Ingles. At mas maganda kung dalubhasa ka rito. Ngunit nakakalungkot lang isipin na napapalitan na nitong ensayo at kadalubhasaan.

Kahit ako ma'y wala rinng ensayo at kadalubhasaan.

Kahit ako ma'y wala ring kadalubhasaan sa paggamit ng ating sariling wika. Kadalasa'y nag-iisip pa ako ng tamang salitang gamitin sa bawat pangungusap na aking binubuo gamit ang Filipino. Nakakalungkot mang isipin ngunit kailangan kong magising na bata pa man ako, sinanay na akong maging dalubhasa sa wikang ipinadala lamang galing sa ibang pook. Ang wika ng lupang nagsilang sa akin ay batid mong naging estranghero sa akin nang una ko itong marinig.

Oo, malungkot isiping nasasaksihan ko ang kamangmangan ko sa ating sariling wika. Kanina lamang kumuha ako ng examinasyong NAT(National Achievement Test), at alam mo ba ang pakiramdam na karamihan ng kumento ng aking mga kamag-aral sa parte ng Filipino ay halos lumuwa na raw ng dugo ang kanilang mga ilong sa kadahilanang nahirapan sila sa pag-intindi rito?

Sa lahat ba ng mga Pilipinong nabubuhay ngayon, ilan pa ba ang nakababatid ng importansya ng pagkakaroon ng sariling wika? Hindi naman 'yan sa kung ano ang lahi mo eh. Porket Cebuano ka ay hindi na nangangahulugang hindi mo na kailangan pag-aralan ang Filipino kung saan hlaos 90 porsyento ng mga salita rito ay iniungkit mula sa wikang Tagalog. Higit pang dahilan ang nakapaloob kung bakit mo kailangang matutunan ang wikang Filipino.

Ilang taon ang nakararaan, maraming bayani ang nagbuwis ng buhay upang makamtan lamang ang kalayaang kanilang inaasam. Hindi sila nakipaglaban para lamang sa wala. Ganoon rin ang pagkakaroon natin ng sariling wika. Mahirap ang pakikibaka rito sapagkat maraming linggwaheng ginagamit ang Pilipinas, at sa bawat sulok nito'y may iba't-ibang linggwaheng sinasalita ang mga tao. Oo, sa kadahilanan lamang na maging malaya tayo at magkaisa ang pagkakaroon natin ng sariling wika.

Doon lang at wala nang iba. Ngunit kung napakaliit lamang na bagay iyan sa iyo, pwes, pahintulutan mo akong tawagin kang isang mangmang. Sa panahon ngayon? Ang mga Pilipino ay walang pinagkaiba sa isang alipin. Sa totoo lamang ay mas masahol pa tayo sa alipin sapagkat binigyan na tayo ng kalayaan ngunit ngayo'y tayo pa ang umuusig na gawin tayong alipin ng iba. Kung hindi mo nakikita iyan at ngayo'y nagngingitngit ka sa aking mga salitang binitiwan ay isa kang bulag o nagububulag-bulagan. Wari mong ang Pilipinas sa panahon ngayon ay parang isang manyupakturer ng mga alila. Gumagradweyt ng IT, Nars, Duktor, at ng kung anu-ano pang kurso, at tsaka nagpapakadalubhasa sa Ingles, tsaka lamang pupunta sa ibang lugar upang magtrabaho at magpaalila sa bansang hindi niya naman kilala noong bata pa siya.

Tayo'y hindi naging iba sa mga  "traded slaves". Kung may pagkakaiba man ay ang aspetong tayo ang bumebenta sa ating mga sarili. Bakit nga ba? Sapagkat kahit na may sariling wika tayo ay hindi na man natin lubusang ginagamit ito. Ano nga ba ang koneksyon nito?

Sa totoo lang, ang wika natin ay ang nagbibigay sa atin ng kaluluwang makabayan. Sa paggamit nito, dito natin unit-unting naiintindihan kung ano ang Pilipinas at kung sino tayo. Hindi naman talaga yan sa kung ano ang pagkakaiba natin noong mga panahong hindi pa tayo nasasakop, ngunit kung ano ang tunay na naging tayo noong mga panahong nasakop tayo ng mga banyaga. Oo, noong mga panahong sinakop tayo, tayo'y naging isa. Doon umalab ang kung sino talaga tayo at kung sino nga dapat talaga tayo.

Noong mga panahon na 'yon ay kung sino man at kung sino nga dapat talaga tayo ay iisa lamang. Noong mga panahon na iyon, walang ibang mithi ang ating mga ninuno kundi ang maging tunay na Pilipino tayo at wala nang iba. Noong mga panahong iyon ay unti-unti tayong pinagbuklod, una gamit ang ating pambansang awit at watawat, sumunod ang ating pambansang wika. Ngunit sa kasamaang palad ay mmay ibang bumuklod sa pagsulong nito 'pagkat di nila nagustuhan ang teoryang mawawala na ang kanilang sariling linggwahe. Doon sila nagkamali. Pagkat kung sino man sila ay hindi ito mapapalitan ng ating Pambansang Wika. Sa katotohanan lamang ay ang pagiging dalubhasa nila sa wikang Pilipino at sa kanilang sariling linggwahe ay makakatulong sa kanila upang mas maging malakas ang kanilang interaksyon sa iba't-ibang tao sa Pilipinas. Hindi lamang iyon. Naiisa rin nila ang kung sino sila noong mga panahon bago tayo sinakop at noong panahong tayo'y sinasakop na.

Mahal kong Pilipino, isa kang Pilipino. Naisin mong maging Pilipino. Masarap ang maging Pilipino, hindi lamang dahil masayahin tayo o sa kung ano mang rasong may konesyon sa kasikatan natin sa ibang mga bansa. Katulad ng "ecosystem", tayo ay parte ng dibersyon ng mga tao sa buong mundo. Tayo ay, ika nga masasabi mong "unique form of human beings created by the hands of God". Tayo ay mga Pilipino sa kadahilanang tayo ay Pilipino. Hindi mo kailangang pilitin na maging iba ang balat mo upang magmukhang Amerikano ka lamang o Intsik, o Koreano sapagkat ikaw ay ikaw. Ikaw ay Pilipino. Maganda ang kaanyuan mo. Kung sinabi mong may diperensya sa iyo ay parang sinabi mo na ring may diperensya ang Diyos na gumawa sa iyo. Isa kang obra maestra.

Tayo'y may sariling wika. Maganda ang maging dalubhasa sa wikang Ingles ngunit mas maganda kung ang wikang gamit mo sa interaksyon mo sa kapwa Pilipino ay ang wikang Filipino. Mas maganda kung ang bawat isa sa ating mga Pilipino ay matututong ang pangalawang wikang gagamitin nila kasunod ng linggwaheng kanilang kinalakihan ay ang wikang Filipino, upang sa tuwing makakapag-usap sila sa kabilang ibayo ng Pilipinas ay Filipino ang gagamitin nila at hindi Ingles.

Panalangin ko na sana balang araw ay maging ganap na tayong mga Pilipinong may iisang wika - ang wikang Filipino. Sana rin ay maging mataas ang tingin natin sa ating mga sarili, 'pagkat tayo'y naiiba sa ibang mga bansa sa magandang paraan. Kung wala tayo ay marahil ay mababawasan ang dibersyon ng lahing patuloy na nagbibigay-kulay sa ating mundo.

<3 mahal kong Pilipinas, ika'y aking iniibig nang tunay.:)