Friday, October 7, 2011

Sulat Pinoy, Sulat Tagalog

Nakakatawang isiping makakapagsulat pala ako ng Lathalaing Tagalog at makakapaglaban sa DSPC o "Division Schools Press Conference." Laking tuwa naman at karangalan ang aking nadama sapagkat sa unang pagkakataon ng aking buhay, nagsulat ako gamit ang wikang Filipino, sapagkat kadalasa'y wikang Inggles ang aking gamit.

Sa kabutihan naman ng Diyos ay nakuha ko ang pangalawang puwesto at makakapunta ako sa RSPC, o "Regional Schools Press Conference." Nawa'y sa pagkakataong iyan na lalaban ako , makuha ko na ang unang karangalan at makadiretso sa pambansang "schools press conference."

Hilig ko na talaga ang pagsusulat simula pa sa aking pagkabata. Ngunit hindi ako sanay na magsulat sa aking wika. Ngunit laking kagalakan ko nang madiskubrehan kong nakakapagsulat pala ako gamit ang Tagalog na wika. Alam mo yung pakiramdam ng lumilipad na ibon sa himpapawid kasama ang hanging nagpapataas ng kanayng lipad? Yun ang aking nararamdaman. Wari ba'y inililipad ako ng mataas sa kalayaang magsulat sa aking sariling wika. Hindi ko alam kung bakit. Siguro'y ganoon lamang talaga. Ganoon lamang talaga kapag ang wika ng lupang nag-aaruga sa iyo ang iyong ginagamit.

Ngayo'y mas may galak na akong magsulat dito sa blog kong ito. Para kasi sa akin, mas mainam pag wika mo ang iyong gamit kung ang target mo naman na mga mambabasa ay kapwa Pilipino mo rin, nang sa gayon ay lubusan nilang maintindihan ang iyong ipinapahiwatig.

Salamat sa pagbabasa! At sana'y ipagdasal niyo ako sa kompetisyon na aking sasalihan sa RSPC ngayong darating na Oktubre 26. Isang laking pasasalamat ang aking ibinibigay sa inyong pagdasal sa aking tagumpay!

Muli, salamat po, at magandang araw!

Friday, February 25, 2011

EDSA People Power, Ika-25 Anibersaryo (Pangalawang Parte)


Tulad ng aking binitawang salita, narito na ang lathalaing aking ipinangako sa aking unang isinulat.




+++++

"Rosaryo, mga bulaklak, pulutong ng mga sibilyang nagtipon-tipon sa Epifanio de los Santos Avenue." Dalawampu't-limang taong nakakaraan, sa eksaktong araw na ito, nangyari ang EDSA People Power 1. Lubos na nakakatuwang isipin na ni isang tao man lamang sa rebolusyong iyon ay hindi nasaktan ni namatay sa tama ng bala o bombang nahahagis sa kalangitan at bumabagsak sa lupang waring isang bulkan. Pagka't ang totoo? Wala ni isang balang napaputok o bombang naihagis noong araw na iyon sa nasabing pook.

Ganap nang naging malaya ang Pilipinas. Wari'y isang ibong nakalaya sa bakal na kulungang kapalaran. Ang kalayaan na iyon ay isang napakalaking selebrasyon sa milyung-milyong mga Pilipinong lubos na nagdusa sa pamamahala ng namayapang dating pangulong Ferdinand Marcos.

Kuro ng iba, hinding-hindi magiging malaya ang Pilipinas kung hindi dahil sa mag-asawang Aquino na pumukaw sa damdaming makabayan at pantao ng bawat Pilipinong maghimagsik sa administrasyon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos. Ngunit kung atin lamang iisiping tunay, ni hindi magiging posible ang EDSA 1 kung hindi dahil sa mga mamamayang walang gustong makamit sa kanilang mga puso kundi ang kalayaan mula sa gahamang pagpapatakbo ng kataas-taasan ng pamahalaan. At masayang isipin na sa araw na ito, dalawampu't-limang taon nang nakakaraan, napuno ang EDSA Avenue. Oo, napuno. Hindi ng mga rosaryo, hindi ng mga bulaklak, hindi ng mga dahas, at mas lalong hindi ng mga taong walang hinahawakang dangal para sa Inang Bayan. Naniniwala akong ang milyung-milyong ordinaryong pulutong ng tao ay hindi makakapag-alis ng isang henyo't makapangyarihang tulad ni Gg. Marcos kung hindi man lamang gagamit ng dahas na pamamaraan. Ngunit sa pulutong ng pusong nagbubuklod-buklod at sa bawat kaisipang nag-uugnay-ugnay? Hindi malayong makamit iyon. 

'Yan mismo ang nangyari sa EDSA People Power 1. Hindi ang katawan ng bawat isa ang sadyang idinala sa pagprotesta ngunit ang puso ng bawat isang nagpartisipa roon ang dala at naging sandata sa labanan ng buhay at kamatayan. Doon nakitang walang makapagtatalo sa isang buklod na kaluluwa, ni ang pinakamatapang man ay tatakbo sa himpapawid at wari'y magiging isang asong ulol na walang magagawa.


Ang EDSA 1 ay nagpapakita lamang ng kung gaano kalakas ang pinagbigkis na mga layon at paniniwala. Ang pilosopiya ng administrasyong Marcos ay napalitan ng makabagong pilosopiyang nagpalaki sa bagong henerasyon ng mga Pilipino, ang pilosopiyang nakaugat sa pagkalaya ng Pilipinas sa isang madilim na kulungan, ang Pilosopiya ng Demokrasya.



Wari'y sa araw na ito, bawat Pilipinong nabubuhay ngayo'y nawa'y magbigay ukol at diwa sa kalayaang ating namithi gamit ang iisang sandatang ni baril man ay hindi mapapatay hanggang sa kabilang buhay.



+++++
~anak ng inang bayan

Thursday, February 24, 2011

EDSA People Power, Ika-25 Anibersaryo

Isang malaking pagpapaumanhin ang aking hinihingi sa aking minamahal na mga mambabasa(kung meron man) sapagkat nasa isipan ko nang hindi magbigay galang sa pagbibigay ng panimulang pagbati sa aking bagong blog site. Nawa'y itong aking ikaunang lathalain ay magsilbi na lamang sa inyo bilang aking pormal na panimula.

++++
Samakatuwid ay buong Pilipinas ang nagbibigay pugay ngayong araw na ito bilang ika-25 anibersaryo ng EDSA People Power 1. May sapat akong katiyakang itong araw na ito ay napakalaking araw sa bawat Pilipinong nabubuhay ngayon sapagkat hindi lamang sa kadahilanang tayo'y naging malaya na, ngunit itong araw na ito'y "Pilak na Anibersaryo" ng araw na tayo'y naging malayang muli, hindi sa mga Kastila, at lalong hindi sa mga Amerikano, kundi sa sariling kamay ng henyong anak ng inang bayan.

Sa lahat ng mga Pilipino't ating inang bayan! Masayang Anibersaryo ng Pagkalaya! <i>HAPPY EDSA PEOPLE POWER 1 SILVER ANNIVERSARY</i>


++++
Padagdag na paumanhin ang aking hinihingi sapagkat hindi pa muna ako makapagbibigay ng sapat ng detalye tungkol sa EDSA 1 sa aking unang lathalain. Ngunit asahan niyong magagawa ko ito anumang oras sa araw na ito.



Nagmamahal,
Anak ng Inang Bayan