Friday, February 25, 2011

EDSA People Power, Ika-25 Anibersaryo (Pangalawang Parte)


Tulad ng aking binitawang salita, narito na ang lathalaing aking ipinangako sa aking unang isinulat.




+++++

"Rosaryo, mga bulaklak, pulutong ng mga sibilyang nagtipon-tipon sa Epifanio de los Santos Avenue." Dalawampu't-limang taong nakakaraan, sa eksaktong araw na ito, nangyari ang EDSA People Power 1. Lubos na nakakatuwang isipin na ni isang tao man lamang sa rebolusyong iyon ay hindi nasaktan ni namatay sa tama ng bala o bombang nahahagis sa kalangitan at bumabagsak sa lupang waring isang bulkan. Pagka't ang totoo? Wala ni isang balang napaputok o bombang naihagis noong araw na iyon sa nasabing pook.

Ganap nang naging malaya ang Pilipinas. Wari'y isang ibong nakalaya sa bakal na kulungang kapalaran. Ang kalayaan na iyon ay isang napakalaking selebrasyon sa milyung-milyong mga Pilipinong lubos na nagdusa sa pamamahala ng namayapang dating pangulong Ferdinand Marcos.

Kuro ng iba, hinding-hindi magiging malaya ang Pilipinas kung hindi dahil sa mag-asawang Aquino na pumukaw sa damdaming makabayan at pantao ng bawat Pilipinong maghimagsik sa administrasyon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos. Ngunit kung atin lamang iisiping tunay, ni hindi magiging posible ang EDSA 1 kung hindi dahil sa mga mamamayang walang gustong makamit sa kanilang mga puso kundi ang kalayaan mula sa gahamang pagpapatakbo ng kataas-taasan ng pamahalaan. At masayang isipin na sa araw na ito, dalawampu't-limang taon nang nakakaraan, napuno ang EDSA Avenue. Oo, napuno. Hindi ng mga rosaryo, hindi ng mga bulaklak, hindi ng mga dahas, at mas lalong hindi ng mga taong walang hinahawakang dangal para sa Inang Bayan. Naniniwala akong ang milyung-milyong ordinaryong pulutong ng tao ay hindi makakapag-alis ng isang henyo't makapangyarihang tulad ni Gg. Marcos kung hindi man lamang gagamit ng dahas na pamamaraan. Ngunit sa pulutong ng pusong nagbubuklod-buklod at sa bawat kaisipang nag-uugnay-ugnay? Hindi malayong makamit iyon. 

'Yan mismo ang nangyari sa EDSA People Power 1. Hindi ang katawan ng bawat isa ang sadyang idinala sa pagprotesta ngunit ang puso ng bawat isang nagpartisipa roon ang dala at naging sandata sa labanan ng buhay at kamatayan. Doon nakitang walang makapagtatalo sa isang buklod na kaluluwa, ni ang pinakamatapang man ay tatakbo sa himpapawid at wari'y magiging isang asong ulol na walang magagawa.


Ang EDSA 1 ay nagpapakita lamang ng kung gaano kalakas ang pinagbigkis na mga layon at paniniwala. Ang pilosopiya ng administrasyong Marcos ay napalitan ng makabagong pilosopiyang nagpalaki sa bagong henerasyon ng mga Pilipino, ang pilosopiyang nakaugat sa pagkalaya ng Pilipinas sa isang madilim na kulungan, ang Pilosopiya ng Demokrasya.



Wari'y sa araw na ito, bawat Pilipinong nabubuhay ngayo'y nawa'y magbigay ukol at diwa sa kalayaang ating namithi gamit ang iisang sandatang ni baril man ay hindi mapapatay hanggang sa kabilang buhay.



+++++
~anak ng inang bayan

No comments:

Post a Comment