Friday, October 7, 2011

Sulat Pinoy, Sulat Tagalog

Nakakatawang isiping makakapagsulat pala ako ng Lathalaing Tagalog at makakapaglaban sa DSPC o "Division Schools Press Conference." Laking tuwa naman at karangalan ang aking nadama sapagkat sa unang pagkakataon ng aking buhay, nagsulat ako gamit ang wikang Filipino, sapagkat kadalasa'y wikang Inggles ang aking gamit.

Sa kabutihan naman ng Diyos ay nakuha ko ang pangalawang puwesto at makakapunta ako sa RSPC, o "Regional Schools Press Conference." Nawa'y sa pagkakataong iyan na lalaban ako , makuha ko na ang unang karangalan at makadiretso sa pambansang "schools press conference."

Hilig ko na talaga ang pagsusulat simula pa sa aking pagkabata. Ngunit hindi ako sanay na magsulat sa aking wika. Ngunit laking kagalakan ko nang madiskubrehan kong nakakapagsulat pala ako gamit ang Tagalog na wika. Alam mo yung pakiramdam ng lumilipad na ibon sa himpapawid kasama ang hanging nagpapataas ng kanayng lipad? Yun ang aking nararamdaman. Wari ba'y inililipad ako ng mataas sa kalayaang magsulat sa aking sariling wika. Hindi ko alam kung bakit. Siguro'y ganoon lamang talaga. Ganoon lamang talaga kapag ang wika ng lupang nag-aaruga sa iyo ang iyong ginagamit.

Ngayo'y mas may galak na akong magsulat dito sa blog kong ito. Para kasi sa akin, mas mainam pag wika mo ang iyong gamit kung ang target mo naman na mga mambabasa ay kapwa Pilipino mo rin, nang sa gayon ay lubusan nilang maintindihan ang iyong ipinapahiwatig.

Salamat sa pagbabasa! At sana'y ipagdasal niyo ako sa kompetisyon na aking sasalihan sa RSPC ngayong darating na Oktubre 26. Isang laking pasasalamat ang aking ibinibigay sa inyong pagdasal sa aking tagumpay!

Muli, salamat po, at magandang araw!

No comments:

Post a Comment